Quantcast
Channel: OFW – Pinoy Weekly
Viewing all 92 articles
Browse latest View live

Pinagdiskitahang balikbayan boxes at iba pang panghuhuthot sa OFW

$
0
0
Pagkilos ng Migrante sa harapan ng Bureau of Customs laban sa pagbubukas ng balikbayan boxes. <strong>Jaze Marco</strong>

Pagkilos ng Migrante International sa harapan ng tanggapan Bureau of Customs sa Maynila. Ipinrotesta nila ang pagbubukas ng balikbayan boxes at pagbubuwis rito. Jaze Marco

Mahigit isang buwan nang hinihintay ng kaanak ni Gilda Banugan, 30, ang balikbayan box na naglalaman ng mga damit, sapatos, tsokolate, at kung anu-ano pa, na ipinadala niya noon pang Hulyo 22.

Excited pa naman siyang makarating agad ito. Tulad ng ibang overseas Filipino worker sa Taiwan, inaabot ang pag-iipon ng Gilda ng di-bababa sa walong buwan para sa isang balikbayan box. Karaniwang nagpapadala sila ng isa hanggang dalawang beses sa isang taon.

Sabi ng kanyang pinagpadalhang courier company, aabutin lang nang dalawa hanggang tatlong linggo bago ito dumating sa Maynila. Pero nang i-follow up ni Gilda ito, sinabi ng kompanya na nakarating na raw ang kahon sa Maynila. Pero di pa rin daw ito makarating sa kaanak niya dahil sa paghihigpit at pag-iinspeksiyon na ginagawa ng Bureau of Customs (BOC) sa Pilipinas ngayon. Di alam ng kompanya kung kailan darating sa kaanak ni Gilda ang balikbayan box.

“Nakakagalit. Una pa lang, nagagalit na kami (overseas Filipino workers o OFW) sa sinasabing ipapataw na dagdag-tax. Nang malaman naming binubuksan nila ang mga kahon namin, siyempre lalong nakakagalit at nakakagigil. Napakabigat sa loob namin na ilang buwan naming inipon para sa pamilya namin, iba ang makikinabang,” ani Gilda.

Isa si Gilda sa milyun-milyong OFW na nagpahayag ng galit sa BOC at administrasyong Aquino matapos ianunsiyo ni Customs Commissioner Alberto Lina na magkakaroon ng random inspection sa mga balikbayan box noong nakaraang buwan. Sabi ni Lina, ginagamit daw kasi sa smuggling ng ilegal na droga at baril ang naturang mga kahon mula sa mga OFW.

Matapos lang ng matinding protesta ng mga OFW, sa lansangan, sa social media, at sa pamamagitan ng #ZeroRemittanceDay, saka inanunsiyo ni Pangulong Aquino ang pag-atras sa random inspection. Humingi na rin ng dispensa si Lina sa mga OFW.

Pero di kumbinsido si Gilda sa mga paliwanag ni Lina, ng BOC, at administrasyong Aquino. Nananatili ang kanyang galit, at ang galit ng mga OFW, sa patuloy umanong “paghuhuthot” ng gobyerno sa kanilang mga migrante. Pinakahuli lang ang pagdiskita ng mga ito sa kanilang balikbayan box.

Si Gilda Banugan (nakapulang damit sa gitna), kasama pa ang mga miyembro ng Migrante-Taiwan. <strong>Kontribusyon</strong>

Si Gilda Banugan (nakapulang damit sa gitna), kasama pa ang mga miyembro ng Migrante-Taiwan. Kontribusyon

Ikinahong pagmamahal

“Punung-puno ng pagmamahal” ang bawat balikbayan box. Ito umano ang dahilan kung bakit matindi ang galit ng mga OFW na pinagdidiskitahan ito ng administrasyong Aquino.

Ikinuwento ni Gilda ang sarili niyang pamamaraan para makabuo ng balikabayan box: Iniipon niya sa walong buwan (o mahigit pa) ang anumang kagamitang napupundar sa pinagtatrabahuang bansa. Kung may “buy one-take one” na bibilhin, ang isa’y inilalagay niya sa balikbayan box. Kung minsan, ‘yung itatapon ng amo nila na sa tingin nila puwede pa naman, ilalagay rin sa kahon.

“Yung pakiramdam mo na inipon mo ng pagkatagal-tagal, nagtitipid ka, nagtitiis ka kung hindi mabuti ang amo mo para lang may maipadala sa mga pamilya mo. Pagkatapos mababalitaan mo bubuksan lang ng Customs, mawawala yung ibang laman,” sabi pa ni Gilda.

Napaatras man sa ngayon ang administrasyong Aquino sa pagbubukas ng balikbayan boxes, sinabi ni Gilda na di pa rin umano sila tinatantanan ng gobyerno na singilin ng iba’t ibang bayarin. Mula sa kanilang pag-alis ng bansa hanggang sa pag-uuwi ng kanilang balikbayan boxes, may patong na bayarin sa gobyerno.

Ayon sa Migrante International, kahit na iniatras na raw ng administrasyong Aquino ang random inspection sa mga balikbayan box, hindi pa rin nito iniaatras ang P600-Milyong target na makuha mula sa pagbubuwis dito.

Kinumpirma ito sa pagdinig ng Committee on Ways and Means sa Senado noong nakaraang linggo. Dito, sinabi ni Sen. Ralph Recto na plano ng BOC na magpataw ng dagdag-singil sa buwis sa bawat container na naglalaman ng mga balikbayan box. Mula P80,000-100,000, plano umano ng BOC na gawing P180,000 ang singil nito sa Oktubre.

Ani Recto, mistulang tinarget pa ng BOC na magtaas ng singil sa containers ngayong paparating ang Kapaskuhan, kung kailan mas marami ang nagpapadalang OFW sa kanilang kaanak. “(Ang mga taas-singil) ay pupuwersa sa mga OFW na magbayad ng karagdagang P250 kada kahon. Kung sino man ang magpapadala ng balikbayan box para sa Pasko, malamang maabutan na ito ng dagdag na singil,” sabi pa ng senador.

Mistulang pampalubag-loog na lang ang di-pagsagawa ng BOC ng random inspection. Sa halip, gagamit na lang daw sila ng x-ray machines para masilip ang laman ng balikbayan boxes. Kung makakita sila umano ng kahina-hinalang laman, saka nila bubuksan ang naturang mga kahon.

Si Sherrie Macmod, sa protesta sa harapan ng Bureau of Customs. <strong>Jaze Marco</strong>

Si Sherrie Macmod, sa protesta sa harapan ng Bureau of Customs. Jaze Marco

Maraming reklamo

Bilang tagapangulo ng Migrante sa Taiwan, nakakatanggap na si Gilda ng di-bababa sa 40 reklamong mula sa kapwa mga OFW sa Taiwan dahil sa pagkaantala ng kanilang balikbayan boxes na maiuugat sa matagal na pag-iinspeksiyon ng BOC.

Isa na sa mga nagrereklamo si Sherrie Macmod, apat na taon nang OFW sa Taiwan. Aniya, masakit sa kanila na paratangan silang smugglers, samantalang ibayong hirap ang kanilang nararanasan sa ibang bansa.

“Hindi lang po kami basta-basta manggagawa sa ibang bansa. Nakakaranas po kami ng pagmamaltrato, wala po kaming day-off, wala kaming pahinga, 24 hours kaming nagtatrabaho. Sana bigyan kami ng maayos na proteksiyon. At huwag gawing negosyo ang OFWs,” sabi pa ni Sherrie.

Kuwento pa ni Gilda, marami ang katulad ni Sherrie na nakakaranas ng pagmamaltrato sa trabaho. Nasa apat hanggang limang reklamo umano ang natatanggap niya kada araw sa kapwa OFWs sa Taiwan. Kasama sa mga reklamo ang mga kaso ng pagmamaltrato, hindi pagpapasuweldo, seksuwal na pang-aabuso, at iba pa.

Ramdam umano nila na parang “mayayaman o may pera” ang tingin sa kanilang nagtatrabaho sa ibang bansa. Pero kung tutuusin, lubog na sa utang bago pa man makaalis ng bansa ang isang OFW sa dami ng babayaran sa mga ahensiya ng gobyerno. Pagdating sa ibang bansa, hindi pa sila agad pinasasahod at halos walang makuhang tulong sa mga embahada ng Pilipinas.

“Hindi n’yo alam kung ano ang dinaranas namin. Tapos, sasabihin ng consulate natin, doon muna kami sa mga amo namin at magtiis-tiis muna kami. Parang walang pakialam sa mga OFW na dumadanas na ng sakripisyo. Lahat-lahat na, tapos gagawin pang gatasan,” kuwento pa ni Sherrie.

Ayon mismo sa BOC, nasa 1,500 containers ng balikbayan boxes ang pumapasok sa bansa kada buwan. Katumbas ito ng 18,000 kada taon o umaabot sa 7.2 milyong balikbayan boxes. Pero, ani Gilda, ikumpara ang kinikita ng gobyerno rito sa ibinibigay nitong tulong sa mga OFW. Nasa P100-M lamang ang legal assistance fund na inilaan ng administrasyong Aquino para sa mga OFW sa buong mundo.

Samantala, sa datos mismo ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Abril, nasa 88 ang bilang ng mga Pilipinong nakaambang bitayin sa iba’t ibang bansa, kabilang na si Mary Jane Veloso.

Idinikit ng Migrante sa harapan ng Bureau of Customs ang mga galit na post ng mga OFW mula sa Facebook. Jaze Marco

Idinikit ng mga miyembro ng Migrante sa harapan ng Bureau of Customs ang galit na Facebook posts ng mga OFW. Jaze Marco

Patuloy na gagatasan

Hindi na ikinagulat nina Gilda ang mga pahayag ng Malakanyang at DFA sa kanilang pandaigdigang protesta noong Agosto 28, ang #ZeroRemittanceDay, na nanawagan sila sa lahat ng OFW na di magpdala ng pera sa kanilang mga kaanak sa Pilipinas sa loob ng araw na iyon.

Taliwas sa pagmamaliit ng Malakanyang, umabot sa US$26.93-Bilyon ang personal remittances ng mga OFW sa bansa noong 2014. Tumaas ito mula sa US$25.35-B noong 2013, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa US$12.7-B, tumaas din umano nang 6.2 porsiyento ang personal remittances ng OFW sa unang hati ng taong 2015 kumpara sa noong nakaraang taon.

“Alam ng gobyerno kung gaano kalaki ang ipinapasok na pera ng mga OFW sa bansa kaya gagawa at gagawa ng mga paraan, iskema, o ano man ang gobyerno para patuloy silang gatasan. Ang balikbayan boxes ay isa lamang sa maraming pinapasan ng mga OFW,” ani Sol Pillas, pangkalahatang kalihim ng Migrante International.

Sinabi ni Pillas na sasa P32,000 ang halaga ng binabayaran ng isang OFW sa pagsasaayos ng kanyang papeles para makaalis ng bansa mula sa pagkuha ng barangay clearance, police clearance, passport, at iba pa. Nasa 6,092 (datos ng Department of Labor and Employment) ang umaalis na Pilipino kada araw para makipagsapalaran sa ibang bansa.

Naniniwala rin ang Migrante na malaki ang kinalaman ng nalalapit na pambansang halalan sa 2016 sa P600-M target ng BOC, at hindi lang basta smuggling ang nais nitong sugpuin. “Hindi kami laban sa gusto nila na sugpuin ang smuggling. Kaisa kami sa laban na ito. (Pero) laban kami sa pagbubukas ng balikbayan boxes na sa tingin namin ay ilegal,” ayon kay Pillas.

Dapat umanong pagtuunan ng pansin ng BOC ang malalaking smugglers at hindi ang mga maliliit na kahon ng mga OFW. Mas malaki umano ang nawawala sa gobyerno mula sa mga smuggled na bigas, luxury cars, at maging smuggled na basura. “Nasa kanila ang lahat ng resources para tugisin ang smugglers. Hindi ang basta na lamang sila magbubukas (ng balikbayan boxes). Ang daming paraan eh, pero gusto lang talaga nilang mailusot ang tax,” dagdag ni Pillas.

Samantala, patuloy ang pagbabanat ng buto nina Gilda at Sherrie, at milyun-milyong OFW, sa ibang bansa. Patuloy silang magpapadala ng balikbayan boxes, habang magmamatyag sa anumang para-araan ng administrasyong Aquino na lalong huthutan sila.

May ulat ni Jaze Marco


Nakapanayam ng manunulat na ito si Sol Pillas ng Migrante International bago niya danasin ang malalang stroke kamakailan. Hiling ng PW ang agarang paggaling–at pagbalik sa pakikibaka–ni Sol.

Tulong-legal ng gobyerno para sa OFWs, ipinaglalaban ng kaanak

$
0
0
Nanay Celia (pangalawa mula sa kanan) kasama ang mister niya at iba pang kaanak ng OFWs na nagkaisa sa ilalim ng LAYA. <b>Darius Galang</b>

Nanay Celia (pangalawa mula sa kanan) kasama ang mister niya at iba pang kaanak ng OFWs na nagkaisa sa ilalim ng LAYA. Darius Galang

Naging matunog ang pangalan ni Celia Veloso bilang ina na humingi ng tulong sa publiko para sa kanyang anak na si Mary Jane na nasa death row sa ibang bayan. Pero isa lang siya sa maraming overseas Filipino workers (OFW) na humihiling ng saklolo at tulong-legal sa ibayong dagat.

Kaya naman kasama ni Nanay Celia ang iba pang pamilya ng mga manggagawang Pilipino na may kaanak na nakakulong o may kaso sa iba’t ibang bansa upang makaroon sila ng isang lakas para igiit ang tulong sa gobyerno.

Pinangalanang LAYA o Legal Assistance! Sigaw ng Migrante at Pamilya, ang grupong kanilang binuo ay may layuning magkabuklod ang kaanak ng OFWs para mas malakas na irehistro ang kanilang mga hiling ukol sa paghingi ng tulong legal para sa OFWs.

Kailangang ayuda

Si Nanay Celia lang, gusto na ring makauwi ang kanyang anak. “Siyempre, gusto ko nang makalaya ang anak ko. Sa totoo lang, inip na inip na si Mary Jane, gustong gusto na niyang makalaya,”sabi niya.

Pero para maisakatuparan ito, kailangang tunggaliin ng mga miyembro ng LAYA ang sinasabi ng gobyerno na wala itong kakayahang makapagbigay ng tulong legal sa mga OFW na nagkakaproblema sa ibang bansa.

Isang matinkad na isyu para sa kanila ang Legal Assistance Fund (LAF), na ginagarantiya dapat ng Migrants Act of 1995 o RA 8042, at naamiyendahan ng RA 10022. Sa ilalim ng batas na ito, may nakalaang pondo para sa tulong legal para sa mga Pilipino na may mga kaso sa labas ng bansa.

Paliwanag ni Connie Bragas-Regalado, tagapangulo ng Migrante Party-list, may malaking pagkukulang na ang gobyerno nang tanggalin ang LAF sa pambansang badyet na hinihingi ng Department of Foreign Affairs mula pa noong taong 2014. “Wala na ang item na ito sa national budget sa 2016, pero during the past three years na umupo si Pangulong Aquino, nagtalaga sila ng P30 Milyon kada taon, na-underspent pa.” Posible pang napunta sa Disbursement Acceleration Program (DAP), o pondong nasa diskresiyon lang ni Aquino, ang pondong ito.

Siyempre, maliit din ang P30-M sa P100-M dapat ilaan para sa LAF. At ayon kay Bragas-Regalado, paglabag na ito sa batas dahil higit pa rito ang isinasaad ng RA 8042. “Malinaw naman na nakasaad sa bataas na mayroong P100-M kada taon, at malinaw rin kung saan siya dapat manggagaling.

Tatlo ang pinanggagalingang pondo para buuin ang halaga na ito.

Nanggagaling ang P50-M mula sa Contingency Fund ng Pangulo, habang ang P30-M ay kinukuha sa Presidential Social Fund, at ang natitirang P20-M ay manggagaling sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA.

Tinanggal na

Nitong pagdinig sa Kamara para sa badyet ng DFA sa 2016, naungkat ang pagkakaroon ng 7,182 OFW na nakakulong sa ibang bansa. “Out of that number, 1288 ay drug-related cases, tapos may 807 na kailangan ng legal assistance. May 70 nang nahatulan ng kamatayan. So kung 30-M nga iyan, kulang na kulang ang inilaan na pondo,” sabi pa ni Bragas-Regalado.

Isa pang gustong malaman ng LAYA ay kung bakit hindi rin nauubos ang P30-M na ito habang libo-libo ang nakakulong. “Isa sa nakita namin diyan, nagbibigay lang (ang gobyerno) ng tulong legal sa panahon na siya ay nahaulan at nasentensiyahan. Kaya sa panahon na nahuli siya at sa paglilitis ng kaso, walang legal assistance,” dagdag pa niya.

Sa panukalang badyet para sa 2016, mayroong iminungkahing badyet para sa “Diplomatic and Consular Services” ang DFA. Pero, ayon kay Bragas-Regalado, wala na ang LAF na nakapaloob dito. “Noong nakaraang mga taon, hinihingian ang DFA ng kung anu-anong items para sa kanilang badyet. Mayroong LAF dati, ngunit wala na ngayong taon.”

Kaakibat ng tulong-legal, kasama pa sa kanilang hiling ang kagyat na pagbibigay ng abogado sa mga humaharap sa kaso maging sa mga nakakulong na. Nananawagan din ang LAYA ng pagtataas sa P1-B ng badyet para sa LAF, at ang pagtanggal sa presidential veto sa LAF dahil naiging kondisyonal ang implementasyon nito sa ilalim ng naturang veto.

Pimamumunuan man ng Migrante International ang pagbubuo ng LAYA, binibigyan nito ng pagpapahalaga ang mga nararapat. “Siyempre, ang nangunguna sa laban ay ang mga biktima, ang mga pamilya,” paliwanag ni Bragas-Regalado. “Nandoon ang Migrante upang magbigay ng gabay at nakakapunta sa avenues na puwedeng magamit.”

Partikular kay Nanay Celia ang paghihintay sa pangako ni dating Justice Sec. Leila de Lima (na tatakbong senador sa ilalim ng partido ng Pangulo) na hindi aabot sa Oktubre at makakalaya na si Mary Jane. Pero malinaw sa petsa sa kalendaryo na napako na ang pangakong ito.

Samantala, dahil sa pakikipaglaban para kay Mary Jane, tila natuto na rin si Nanay Celia na makipagkaisa sa iba pang kaanak ng mga OFW na nagkakaproblemang legal sa ibang bansa. “Gusto kong makalaya ang anak ko. Pero siyempre, gusto ko rin na lahat ng nakakulong (sa labas ng bansa) ay makalaya na,” pagtatapos niya.

Ang Aldub at ang kapangyarihan ng migranteng Pilipino

$
0
0
Selfie at iba pang kaganapan sa Kalyeserye ng Eat! Bulaga: May resonance sa mga migrante. Kuha ni <b>Mia Banaag de Lima</b>

Selfie at iba pang kaganapan sa Kalyeserye ng Eat! Bulaga: May resonance sa mga migrante. Kuha ni Mia Banaag de Lima

Marahil ay nagtataka sina Taylor Swift, Katy Perry at Ellen DeGeneres kung sino si Maine Mendoza.

Ayon sa Socialbakers.com, isang social media marketing company sa New York, si Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub ay ikaapat na sa fastest growing celebrities sa Twitter, kasunod nina Swift, Perry at DeGeneres, at naungusan na ang tanyag na talk show host na si Jimmy Fallon. Si Yaya Dub ay kalahati ng tambalang “AlDub”, ang pinakamainit at penomenal na Pinoy love team sa buong mundo ngayon.

Mula 500,000 followers lamang noong Agosto, umabot na sa 2.4 milyon ang Twitter followers niya bago matapos ang Oktubre. Ayon sa pagtataya ng TwitterCounter.com, kung magpapatuloy ang kasikatan ng AlDub, maaring umabot sa 4.6 milyon ang Twitter followers ni Yaya Dub sa susunod na tatlong buwan, o 12.6 milyon sa loob ng isang taon.

Noong Oktubre 24, muling binasag ng AlDub ang sarili nitong world record nang umabot sa 39 milyong tweets ang #AlDubEBTamangPanahon sa loob lamang ng 24 oras. Tinalo ng #AlDubEBTamangPanahon ang pinakamataas na record tweets (35.6 milyon) noong laban ng Brazil at Germany sa FIFA World Cup noong Hulyo 2014.

Ang pinakamaraming tweets para sa AlDub ay mula sa mga overseas Filipino worker (OFW), mga migranteng Pilipino mula sa iba’t ibang dako ng mundo.

Samantala, labas sa Twitter at social media, tinatayang 55,000 katao ang tumungo sa Philippine Arena para mapanood ng live ang “Tamang Panahon”, kabilang na ang maraming migranteng Pilipinong bumiyahe pa mula sa ibang bansa. Umabot naman sa mahigit 3 milyong views ang official live stream channel ng “Eat Bulaga” para sa naturang episode.

Patok sa migranteng Pilipino

Noong Oktubre 7, inilaan ng Eat Bulaga ang episode ng AlDub sa mga OFW. Ilang araw nang absent si Alden sa kalyeserye at lumbay na lumbay na si Yaya. Ikinumpara ni Lola Nidora ang sitwasyon nina Yaya at Alden sa kalagayan ng mga migranteng Pilipino. Aniya, dapat tularan ni Yaya ang mga OFW. Dapat daw silang magsilbing inspirasyon dahil sa kanilang sakripisyong malayo sa mga mahal sa buhay habang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Instant ang resulta: “Kilig pa more” para sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Bakit nga ba patok na patok ang AlDub sa migranteng Pilipino? Narito ang ilang dahilan kung bakit “relate pa more” ang mga migrante sa kalyeserye:

Relasyong “split screen”Tulad nina Yaya Dub at Alden, nabubuhay ang migranteng Pilipino sa “relasyong split screen” – mapa-LDR (long distance relationship) man o pakikipag-“Skype” sa kani-kanilang mga kaibigan at kapamilya sa Pilipinas. Alam ng migranteng Pilipino ang di-mapantayang galak ng nakikita ang mahal sa buhay kahit sa monitor lang. Lalo’t higit kung “nakaw” na oras lamang ito, tulad ng ilang minutong pagda-“dubsmash” at “fansign” nina Yaya at AlDub sa tuwing sasapit ang ala-una impunto.

Pagkakakonekta (connectivity) sa pamamagitan ng social mediaSalamat sa makabagong teknolohiya at Internet, kahit papaano’y napaglalapit ang magkalayo, napagtutugma ang mga time zone at updated ang tsismisan saanmang lupalop ng mundo sila naroon. Nagiging simple at magaan ang kuwentuhan dahil libre na ang komunikasyon. Hindi na tulad ng dati na kailangan pang gumastos ng malaki para sa overseas call o maghintay ng matagal sa snail mail o voice tape.

Naging real time din ang komunikasyon at palitan sa pagitan ng telebisyon at mas aksesibleng (accessible) social media para sa mga OFW. Kung dati’y kailangang hintayin pa ang balitang primetime o kinabukasang headline para sa kung anumang trending na paksa, ginawang posible ng Eat Bulaga para sa mas maraming Pilipino, saanman sila sa mundo, ang mas mabilis na pagsasanib ng tradisyunal na telebisyon at social media nang pagsamahin nito sa isang pormula ang “kalye”, “serye”, “tweet” at “hashtag” sa “pinakalumang” palabas sa telebisyong Pilipino.

Pagnanasa, pasakit at pag-asaSino nga bang migranteng Pilipino ang hindi nakaranas na malumbay para sa minamahal? Ang hamakin ang lahat para lamang sa ikasasaya ng karelasyon, kaanak, kababayan? Sa kalyeseryeng AlDub, hinahamon ang pag-iibigan nina Yaya Dub at Alden. Maraming balakid, maraming pagsubok at tila laging may humahadlang. Hindi estranghero ang migranteng Pilipino sa araw-araw na pagnanasa at pasakit. Gayunpaman, laging may pag-asang balang-araw ay darating din “ang tamang panahon” na muli silang makakauwi at makakapiling ang minamahal.

Ang kapangyarihan ng migranteng Pilipino na lumikha ng kasaysayan

Penomenon ngang maituturing ang “lakas” ng AlDub sa hanay ng migranteng Pilipino, pero hindi ito isang “milagro”. Hindi totoong basta lang #GodgaveusAlDub. Hindi ito magic.

Kahit ang Eat Bulaga ay aminadong ang AlDub ay isang mapangahas na eksperimento. May syensya (science) sa likod ng tagumpay ng AlDub, at naging susi ang migranteng Pilipino sa pagsasakatuparan nito.

“Organisado” ang mga fans nito sa hanay ng migranteng Pilipino. Sa isang pag-aaral, napag-alamang may mga “lead” Twitter account sa bawat syudad at bansa sa buong mundo sa pangunguna ng mga migranteng bahagi ng tinaguriang “AlDubNation”. Ang bawat account ay may tinatayang 20,000 hanggang 50,000 na followers. Sa bawat araw na nagpapalit ng hashtag, nakaabang na ang mga lead account na ito at sabay-sabay na nagtu-tweet para suportahan ang palabas.

May mga account ding “AlDub Police” na alistong nagbabantay at agad na nagpapaabot kung mali ang hashtag na ginamit. Sa ganitong paraan, nababantayan ang wastong paggamit ng unified hashtag at natitiyak na dumadagdag ang tweet sa kabuuang bilang ng mga tweet para rito.

Masasabing ganap na ring napaghusayan ng Eat Bulaga ang wastong tambalan ng “online” at “offline” na pangangampanya para sa AlDub. Pinangungunahan ng buong cast – mga host, staff at personnel ng Eat Bulaga at TAPE Inc., sampu ng kani-kanilang mga kamag-anak, kaibigan at libu-libong Facebook friends at Twitter followers – ang pagpapalaganap ng bawat hashtag sa inaraw-araw. Orchestrated ito, planado at pinaghandaan. Ang mga host mismo ay masugid kung mag-live tweet sa tuwing pinapalabas ang kalyeserye.

Isa pang magandang halimbawa ng wastong pagtatambal ng “online-offline” ay ang pormulang pumupunta mismo ang show sa kung saan naroon ang mga manonood, sa mga mga maralitang komunidad. Sa segment na “All for One, One for All”, literal na nasa kalye ang serye. “Abot-kamay” ng mga manonood ang mismong mga karakter. Tulad ng mga tagasubaybay sila ma’y naiinitan, nauulanan, hindi nanananghalian at napapagod din sa paglalakad. Sa gayong pamamaraan, para sa nakararami at laluna para sa mga migranteng “malayo” (alienated) sa kalye, “buhay” ang palabas at hindi mga litrato at bidyo lamang sa telebisyon o monitor.

Hindi rin naging madamot o “ekslusibo” ang AlDub, malamang isa bagay pang lubos na ikinalugod ng mga migranteng Pilipino. Hindi na nila kailangan ng mamahaling cable subscription o pagtiyagaan ang pangit na uploaded video sa YouTube para lamang mapanood ang palabas. Lahat ng mga episode ay naka-upload sa mismong Facebook page at Youtube channel ng Eat Bulaga. Malaking bagay ito para masundan pa rin ng mga migrante ang itinatakbo ng kwento nasa trabaho man sila o ibang time zone. Kung babasahin ang mga komento at susundan ang mga shares at likes sa mga bidyo sa Facebook, halimbawa, agad makikita na kalakhan sa mga ito ay mula sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Kaya naman, anupaman ang katuturan (relevance), o kawalang-katuturan ng AlDub para sa ilan, kung may napatunayan man ang penomenong ito, iyon ay ang kakayahan at kapangyarihan ng migranteng Pilipino na lumikha ng kasaysayan.

Una nang naipamalas ang kapangyarihang ito sa mga kampanyang “Zero Remittance Day”, pandaigdigang panawagang relief at mga donasyon para sa mga nasalanta ng supertyphoon Yolanda, #SaveMaryJane, #HandsOffOurBalikbayanBox, at ngayon sa isyu laban sa #TanimBala. Sa organisado, nagkakaisa at pursigidong pagkilos ng migranteng Pilipino, tiyak na naitatawid ang anumang malakas na mensahe ng sektor hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Patunay rin ito na isang malakas at di-matatawarang pwersa ang migrante sa loob at labas ng social media. May tinatayang 12 hanggang 15 milyong migranteng Pilipino sa buong mundo, doble at triple pa ang kakayaning abutin at impluwensyahan ng bilang na ito kung isasama ang kanilang mga pamilya, kaibigan at tagasuporta sa loob at labas ng bansa, online man o offline.

Kung gayo’y malaking hamon sa migranteng Pilipino kung paanong maipapamalas pa ang kanilang kapangyarihan upang ihawan ang landas para sa “tamang panahon”. Panahon na higit na magkaisa para sa Inang Bayan. Panahon na wastong ipagsanib ang nagkakaisang layunin, hangarin, lakas, talino at tapang para sa pagbabagong panlipunan. Panahon na iwaksi ang bulok at ilantad ang mga mali. Panahon na pangibabawan at labanan ang mga balakid at ituwid ang baliko at “tuwad” na daan. Ano ang pormula? Nananatiling sa mahigpit na pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng migranteng Pilipino sa buong mundo.

Sa takdang pagkakataon, parating ang isa pang “tamang panahon”: #VoteforHome.


 

Hustisya kay Mary Jane Veloso naantala

$
0
0
Si Celia Veloso (gitna) kasama ang abogadong si Josa Deinla (kaliwa) at Rebecca Lawson ng Church Task Force to Save Mary Jane. <b>Marra Macaspac</b>

Si Celia Veloso (gitna) kasama ang abogadong si Josa Deinla (kaliwa) at Rebecca Lawson ng Church Task Force to Save Mary Jane. Marra Macaspac

Wala pa ring katiyakan kung makakalaya si Mary Jane Veloso.

Ito ang hinaing ni Celia Veloso, ina ni Mary Jane, sa isang pagtitipon ng mga kaibigan, taong-simbahan, at tagasuporta’t grupo ng mga migranteng Pilipino kamakailan. Aniya, mag-iisang taon na, pero tila usad-pagong ang pagdinig sa kaso ng human trafficking laban sa ilegal na rekruter ni Mary Jane na sina Cristina Sergio at Julius Lacanilao.

“Naiinip na si Mary Jane dahil walang pag-usad sa kaso. Nais naming magpasalamat sa lahat ng tumulong sa amin at kay Mary Jane, ngunit muli kaming humihiling ng inyong suporta dahil nais na naming makapiling ang aming anak,” ani Celia.

Sa Marso 9, didinggin ang kaso sa dalawang nabanggit na rekruter sa Nueva Ecija Regional Trial Court.

Umaasa umano ang pamilyang Veloso na signipikanteng uusad ang kaso upang mapatunayang biktima si Mary Jane.

Tutungo ng Nueva Ecijia ang mga tagasuporta ni Mary Jane upang saksihan ang nasabing pagdinig.  

“Si Presidente Joko Widodo ng Indonesia at maging ang libo-libong mamamayan mula sa iba’t ibang bansang sumuporta kay Mary Jane ay naniniwalang bikitma siya. Bakit ang Presidente ng Pilipinas, hindi makakilos nang agaran para hindi mapahamak ang ating kababayan?” tanong ni Rebecca Lawson, tagapagsalita ng Church Task Force to Save Mary Jane.

Binahagi rin ng abogadong si Josalee Deinla, isa sa mga abogadong bumubuo ng Mary Jane Team of Lawyers, ang mga hakbang legal na inabot ng kaso na nagpapatotoo sa kabagalan ng aksiyon sa panig ng gobyerno ng Pilipinas.

“Malaki ang tulong na nagagawa ng kampanya para sa kaso ni Mary Jane. Ang suporta po ng publiko ay makakatulak upang mapadali ang paglaya at pagkamit ng hutisya para sa kanya,” ani Deinla.

Sa tulong ng Migrante International at sa tinakbo ng kampanya para sa kaligtasan ni Mary Jane, naitayo ang LAYA, organisasyong binubuo ng 20 pamilya ng mga Overseas Filipino workers o OFW na nasa ‘death row’ ngayon.

Layunin ng grupo na ikampanya at ipagtanggol ang kanilang mga mahal sa buhay.

Ngayong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ang Ecumenical Women’s Forum (EWF) at AMRSP ay magdadaos ng isang public forum kasama ang LAYA at Migrante International bilang suporta sa laban ni Mary Jane.

Protesta rin ang aktibidad ng Migrante International at iba pang grupo sa Mendiola ngayong umaga para igiit ang aksiyon ng administrasyong Aquino para mapalaya si Mary Jane at ayudahan ang iba pang distressed OFWs sa ibayong dagat.

Pagkatapos ng pagtitipon sasama ang lahat ng kalahok sa rali ng kababaihan na gaganapin sa Liwasang Bonifacio patungong Mendiola.


Pagwakas sa hinagpis ng mga migrante

$
0
0
Mga manggagawang Pilipino na stranded sa Saudi Arabia: Nangangailangan ng ayuda mula sa gobyerno. <b>Kontribusyon</b>

Mga manggagawang Pilipino na stranded sa Saudi Arabia: Nangangailangan ng ayuda mula sa gobyerno. Kontribusyon

Sa hinaharap, hindi na kakailanganing lumabas ng bansa para magtrabaho. Magkakaroon ng mga oportunidad ang mga mamamayan sa ating sariling bayan.

Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte matapos ang kanyang pagdalaw sa Indonesia nitong nakaraang linggo. Inulit lang niya ang layunin niya para sa overseas Filipino workers (OFWs) noong tumatakbo siya sa pagkapangulo.

Nitong nakaraang mga linggo rin, may nakauwing 484 OFW mula sa Saudi Arabia na nabigyan ng Relief Assistance Program ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng gobyerno. Marami sa kanila, mga manggagawang natanggal sa trabaho dahil sa lumalalang krisis sa Gitnang Silangang bunga ng pagbagsak ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Pero may 11,000 pang Pilipino na nawalan ng trabaho na hindi pa nakakauwi, at 50,000 naman sa kabuuan ang apektado.

Kinakatawan nila ang kalagayan ng maraming bilang na OFWs hindi lang sa Saudi Arabia kundi sa buong mundo. Kinakatawan din nila ang pagkabigo ng labor export policy na tugunan ang kakulangan ng trabaho at kabuhayan sa ating bansa.

Ayudang bitin

Sa taya ng Migrante na nakabase sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA), umaabot sa 1.5 milyon ang OFW sa bansang iyon.

Ani Adonis Borbe, tagapangulo ng Migrante International sa KSA, 50,000 manggagawa ang apektado ng krisis sa Saudi. Mula pa sa Philippine Consulate sa Jeddah ang datos. “Ito’y mula sa malalaking construction firm tulad ng Saudi Oger at Saudi Bin Laden na mayroong kontrata sa gobyernong Saudi,” paglilinaw ni Borbe.

Pero sinabi naman ng Philippine Overseas Employment Administration, na nasa 12,000 lang ang apektado—kasama na rito iyung mga nakauwi na. “Ito lamang ang covered ng inilabas na Relief Assistance Program mula sa OWWA,” sabi ni Borbe. “Napakalaki pa ng bilang ng mga hindi pa nakakauwi o inaayos pa ang papeles ng pag-uwi.”

Kakaiba sa nakaraang mga administrasyon ang kasalukuyang programa ng RAP ng OWWA. Magbibigay ng P26,000 ang ahensiya, P20,000 para sa manggagawa at P6,000 para naman sa pamilya. Pero paliwanag ni Borbe na hindi para sa kaginhawaan ng manggagawa ang halaga. “Ang mga managagawa’y mula pa Setyembre 2015 hindi pinapasahod ng kanilang kompanya. Kaya nakauwi man o hindi ay hirap na hirap pa din ang kalagayan ng OFWs,” aniya.

Dagdag pa niya na hindi pa rin nakuha ng nakauwing  mga manggagawa ang kanilang unpaid salaries, at end of service benefits. Naiwan pa itong naka-file sa Ministry of Labor sa Saudi, at gumawa na lang ng Special Powers of Attorney ang mga manggagawa upang maproseso ang pagkuha nito.

Pakikipag-usap ng Migrante International sa ilang stranded OFWs sa Saudi. <b>Kontribusyon</b>

Pakikipag-usap ng Migrante International sa ilang stranded OFWs sa Saudi. Kontribusyon

Kumpiyansa

Sinabi ni Borbe na may kaibahan ang administrasyong Duterte sa nakaraang administrasyon sa usapin ng pag-ayuda sa namomroblemang OFWs.

“Siya (Duterte) lang ang nabanggit sa kanyang SONA tungkol sa mga OFW. Nagkaroon ng pag-aksiyon ang DOLE (Department of Labor and Employment) sa kalagayan ng mga manggagawa na apektado ng krisis dito sa Gitnang Silangan. Ni hindi nabibigyan ng pansin ng DOLE sa nagdaang pangulo (Aquino) ang malalang problema ng mga migranteng Pilipino, lalo na sa household workers na malala ang mga pang-aabuso,” ani Borbe.

Gayunpaman, sinabi niya na kailangan ng militansiya. “Marami pa rin sa mga tauhan ng embahada ang pabaya sa mga kababayan natin na may kinakaharap na problema dito,” dagdag niya.

Aniya, kailangang palawakin pa ng gobyerno ang pagtugon sa mga problema ng mga OFW sa Middle East, dahil napakarami pa ang mayroong problema labas sa apektado ng krisis.

“Marami ang bilang ng stranded na nais ng umuwi sa shelters. Marami pa ang undocumented OFWs (kasama rito ang mga ina at anak), mga nilabag ang kontrata sa mga kompanya, at mga household workers na inaabuso. Napakarami nito rito sa Middle East,” aniya.

Dagdag pa niya na napakaliit ang bilang ng case officers ng embahada ng Pilipinas para tumugon dito.

Paano matigil ang migrasyon

Maraming kinakaharap na hirap ang mga manggagawa sa labas ng Pilipinas. Malayo na sa pamilya ang mga OFW, kadalasan pa silang naabuso ng kanilang employer. Hindi rin madali ang mamuhay nang mag-isa.

Sa karanasan, marami nang pamilya ang nawawasak dahil sa forced migration o labor export policy.

“Ayaw naman talaga naming lumabas ng bansa natin para lang magtrabaho. Naoobliga lang kami dahil walang regular na trabaho at sapat na kita sa ating bansa. Napakahirap ng kalagayan ng isang OFW,” aniya.

Sinabi naman ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International, na kinikilala nila ang pagbigay-diin ni Duterte sa paglikha ng trabaho sa loob ng bansa, lalo na’t sa gitna ng krisis sa Gitnang Silangan at sa Saudi.

“Inuulit namin ang aming tindig na bangkarote na ang labor export policy at hindi nito tinutugunan ang ugat ng kahirapan ng puwersahang migrasyon. Dagdag pa namin na imbitado si Pangulong Duterte sa gaganapin naming public consultation sa mga OFW at kanilang pamilya ngayong Setyembre 24.

Para sa Migrante, sa pagkakaisa ng OFWs maitutulak ang rehimeng Duterte na wakasan ang labor export policy at mapaipatupad ang batayang mga pagbabago sa lipunan—kabilang ang tunay na repormang agraryo at pambansang industiyalisasyon.


 

Ang misteryosong pagkamatay ni Irma Jotojot

$
0
0
Cover ng print issue ng PW sa susunod na linggo.

Cover ng print issue ng PW sa susunod na linggo

Maraming buwan ang hinintay ni Irma Jotojot para makaalis ng Pilipinas at makapagtrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia, kahit bilang domestic helper (DH). At para may souvenir, nakakuha pa silang mag-anak ng litrato sa airport—alaala ng mapait at matamis na pag-alis ni Irma.

Nakaakbay kay Irma ang asawang si Jonald sa tabi ng kanilang mga anak.

Matamis ang paghihiwalay na ito dahil sa wakas ay masisimulan na nila ang pangarap na hindi nila mabuo-buo sa karampot na sahod nilang mag-asawa. Bago mag-abroad, namasukan si Irma bilang housekeeper sa Makati nagtrabaho naman si Jonald sa pabrikang nagtutunaw ng bakal.

Nagyakapan ang magkakamag-anak, nagpaalam si Irma kay Jonald sa airport. Hindi nila inisip na iyon na pala ang huli nilang pagkikita.

Sampung araw mula nang sumakay si Irma sa eroplano, nakatanggap ng tawag mula sa isang Pinay na nars sa Saudi si Mayet Martinez, ang nag-iisang kapatid ni Irma.

Misteryoso

Irma Jotojot

Irma Jotojot

“Sabi nung nars ‘Ang ate mo, nandito maraming pasa, dinudugo,’” kuwento ni Jane Edloy, tiyahin ng biktima na siyang nakasagot sa tawag ni Mayet.

Ayon pa rin sa nakausap nilang nars, dalawang araw nang nasa ospital si Irma, hindi na makapagsalita, puro pasa ang katawan, at dinudugo. Dinala pa diumano si Irma ng kanyang amo sa opisina ng Alsayyar Recruitment, ang foreign recruitment agency nito sa Saudi at saka pa lang siya naisugod sa ospital.

Nakasaad sa medical report na inilabas ng King Salman Hospital, sinabi ni Irma na siya’y ginahasa.

Kalaunan, tatlong linggo lang matapos dumati sa Saudi, namatay sa ospital si Irma.

Agad na tinawagan ng pamilya ni Irma ang kompanyang nagrekluta sa kanya na Rejoice Employment International Corp. para ipaalam sa mga ito na naospital si Irma. “Pero hindi sila pinansin (nito),” kuwento ni Jane.

Kalauna’y sinadya na nila ang opisina nito sa Ermita, Maynila.

“Sabi nila (mga kinatawan ng Rejoice), gumawa na sila ng mga ulat, na para malaman na kung ano ‘yung mga karapatan ni Irma na ibibigay sa pamilya,” ani Jane.

Hindi umano nagustuhan ng pamilya ang pagtrato sa kanila ng Rejoice Agency noong araw na iyon. Sa halip na sa pamilya ipaliwanag ang papeles, sa mga kasama nilang staff ni Sen. Win Gatchalian ito nakikipag-usap. Pinakitaan pa sila ng makapal na mga papeles—patunay na inaasikaso daw nila ang kaso.

“Bakit may ganyan kayo kakapal na papel? Samantala nung mamatay na ‘yung pamangkin namin one week na naghihintay kami ng tawag niyo hindi kayo nakakatawag sa amin. Ngayon, dahil nalaman ninyo na pupunta rito ang isang (istap ni Sen.) Gatchalian at kasama namin, mayroon kayong nakahanda na mga parapernalia,” galit na buladas ng tiyahin.

Pasikat

Ang laman ng “paraphernalia” ng Rejoice Agency?

“Pagbasa ko sa unang pahina pa lang, ang agad na sabi, yung punerarya, sila raw ang kukuha. Sabi ko, hindi kayo puwedeng kumuha ng punerarya at kailangan namin magpa-autopsy. Hanggang sa pagkuha sa bangkay sa airport, pinag-aawayan namin ang pagkuha ng punerarya,” paglalahad niya.

Kahina-hinala kung bakit matindi ang kagustuhan ng Rejoice Agency na sila ang pumili ng puneraryang mag-aasikaso sa katawan ni Irma para sa autopsy at lamay.

Umabot pa sila sa diumano’y “gitgitan” sa airport sa araw ng pagdating ng mga labi ni Irma nang pilit na may pinapapirma ang mga representante ng Rejoice sa asawa ni Irma na si Jonald.

Tumigil lang ang pamimilit nang pumagitna si Labor Usec. Ciriaco Lagunzad III at sinabihan nito ang puneraryang pinili ng pamilya na huwag bubuksan ang pinaglagyan ng mga labi ni Irma hangga’t hindi dumadating ang mga kinatawan ng National Bureau of Investigation.

Sa listahan ng Philippine Overseas Employment Administration, lumalabas na suspendido ang istatus ng Rejoice Employment International Corp. na siyang nagrekluta kay Irma para pumunta ng Saudi. Pero kataka-takang nakakapagpalabas pa rin ito ng mga tao para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Sa tala lang ng Migrante, organisasyong nagtataguyod ng kapakanan ng overseas Filipino workers o OFW, mayroon nang 20 kaso ng paglabag sa batas ang Rejoice. Sa Facebook page na lang ng Rejoice ay pinuputakti ng mga tanong ang ahensiya tungkol sa kung sinu-sinong nadeploy ng ahensiya, habang ang iba nama’y nanghihingi ng tulong. Ang masaklap, walang nakukuhang tugon ang mga tao mula sa mga ito.

Nakipag-ugnayan din ang pamilya ni Irma sa Department of Foreign Affairs para sa mga kakailanganing dokumento sa pagsasampa ng kaso at magpatulong sa pagrekober ng mga bagahe ni Irma. Umaasa kasi ang pamilya na baka raw may naiwang sulat si Irma na maglilinaw kung ano ang talagang nangyari.
Hinarap sila ng isang nagpakilalang staff ng DFA. “Tinatanong niya kung ano raw ang kailangan namin. Ang sabi ko, ‘Ma’am, hindi po benefits ang kailangan namin dito. Ang kailangan namin, detalye at instruction doon sa case ng pamangkin ko—kung anong steps ang susunod gagawin. Ang sagot niya sa amin ay hindi nila alam,” paglalahad ng tiyahin.

Habang sinusulat ang artikulong ito, wala pang ni isang kopya ng mga dokumento ang pamilya ni Irma na kakailanganin sa pagsasampa nila ng kaso. Maging ang bagahe ni Irma ay hindi pa rin narerekober ng pamilya.

Ang tanong ng pamilya: Namatayan sila ng kadugo, bakit kailangan pa sila lalong pahirapan?

Sa libing ni Irma. <b>Kontribusyon</b>

Sa libing ni Irma. Kontribusyon

Isa lang

Isa lang si Irma sa napakaraming kaso ng mysterious deaths o misteryosong pagkamatay ng mga Pilipino habang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Isa sa bawat apat na OFW o 27.4 porsiyento ng lahat ng dokumentadong migranteng manggagawa ay nasa Saudi Arabia. Malaking bahagi nito, kababaihang DH na katulad ni Irma. Nakakabahala ito dahil sunud-sunod ang paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipinang DH sa Saudi kabilang na ang pisikal at seksuwal na pang-aabuso.

Sa sarbey ng Philippine Statistics Authority (PSA), nakapag-uwi ng P180.3-Bilyon ang mga OFW mula Abril hanggang Setyembre 2015. Walang duda, malaking bagay talaga ang inuuwing pera ng mga OFW sa bansa.

Ngunit ito’y isang bahagi lamang sa kuwento ng mga OFW. Ang kabilang mukha nito ay ang pagmamaltrato sa mga Pilipino sa dayuhang mga bansa na nag-eempleyo sa kanila. Tanindi ang dikriminasyon sa mga Pilipino ng mga lokal na amo o employer nila—porke “mababang” klase ng trabaho ang pinapasok nila at mahihirap sila.

Bulnerable sa seksuwal at pisikal na pang-aabuso, di-pagbibigay ng karampatang suweldo, at di-pagsunod sa napagkasunduan sa kontrata ang mga OFW. Pinakabulnerable ang kababaihang OFW tulad ni Irma.

Sa bahagi ng mga kapwa Pilipino, napagsasamantalahan din ang desperadong mga migrante. Talamak pa rin ang illegal recruitment, human trafficking, at pandaraya ng kontrata sa pribadong mga ahensiya. Masususpende kunwari ang mga ito kapag sinampahan ito ng kaso—pero mag-a-apply lang ito at magpoproseso ng mga papel, balik-operasyon na uli ito. Ang tunay na makakapal pa ang mukha ay tuluy-tuloy lang sa pagpapalipad ng mga OFW kahit paso na ang lisensiya.

Samantala, patuloy na nakasandig sa remitans ng milyun-milyong Pilipino sa ibang bansa ang ekonomiya ng Pilipinas. Ipinangako man ni Presidente Duterte na sa loob ng kanyang termino, target niyang mapawi ang dahilan kung bakit kailangan pang mangibang-bansa ang mga Pilipino—tila wala pa ring nakikitang katapusan ang pagmamaltrato sa mga Pilipino sa ibang bansa.

Pagsubok sa administrasyong Duterte ang mga kasong katulad ni Irma—ang paghangad nila ng hustisya sa ibang bayan, at sa ating bayan na rin.


 

Buhay ni Jennifer, buhay ng migranteng Pilipino

$
0
0

Hindi alam ng maraming Pilipino, pero nakapila na pala sa hatol ng kamatayan sa ibang bansa ang maraming Pinoy. Isa rito sa Jennifer Dalquez, 30, tubong General Santos City. Nakapatay siya ng isang Arabo na tangka siyang halayin noong Disyembre 7, 2014 at naaresto noong Disyembre 12, 2014.

Cover ng PW ngayong linggo.

Cover ng PW ngayong linggo.

Wala tayong alam, dahil pinagbawalan ang pamilya ni Jennifer na makipag-uganayan sa mga grupong posibleng tumulong sa kanila, sa kalagitnan ng pagpoproseso ng kanyang kaso.

At ginagawa ang “pagbabawal” na ito hindi lang sa kaanak ni Jennifer kundi sa maraming iba pang kaanak ng mga migranteng Pinoy na nasa death row.

Pag-asa sa wala

Setyembre 2011 pa noong tumanggap ng trabaho mula sa MMML Recruitment Services si Jennifer bilang domestic helper.

Simpleng maralitang pamilya lang ang pinagmulan ni Jennifer: May tindahang maliit lang ang kanyang pamilya. Manggagawang magsasaka ang kanyang asawa. Kaya para matustuan pangangailangan ng dalawang anak, ang isa’y dalawang taon pa lang noon, naisip niyang mangibang bansa.

Disyembre 2011 na siya nakaalis, sa tagal ng proseso ng papeles niya. Malaking halaga ang kailangan para rito. “Sabi niya (Jennifer), kailangan niya daw ng dalawng lobong piso,” alaala ni Alicia Dalquez, ina ni Jennifer. “Kaya sabi ko, ibenta na ’yung tatlong manok.”

Umalis sa bansa si Jennifer dahil sa kahirapan. “Ayaw niyang maranasan ng kanyang mga anak ang naranasan niyang kahirapan,” ani Nanay Alicia. Hindi siya nakapagtapos ng hayskul. Ngunit matatas siya. Madali niyang natutunan ang salitang Arabo. “Pinag-aral siya nung una niyang amo. Hanggang ngayon, nakakabasa siya ng Quran,” ani Nanay Alicia.

Dalawang beses siyang nakaranas ng tangkang panghahalay—ang ikalawa ang siyang pinakamalala. Una, noong Marso 2012 sa panahon ng kanyang unang amo. Naalala ni Nanay Alicia, nagmakaawa si Jennifer sa kanyang babaeng amo na makauwi ng Pilipinas. Pero hindi niya sinabi na pinagtangkaan siyang halayin ng asawa nito. “Madali naman siyang pinayagang makauwi. Kasi lumuluhod na siya sa amo niyang babae, hinahalikan niya ’yung kamay,” sabi pa ni Nanay Alicia.

Hindi umuwi ng bansa si Jennifer. Nasa paliparan na siya nang makausap ng isang kaibigang Indonesian para sa ibang trabaho bilang kahera sa isang restawran. Taong 2013 naman nang alukin siya na maging assistant ng isang doktor. Tinanggap niya agad ito dahil sa mas malaki ang pasahod.

Tatlong beses isang linggo lang siyang nagtatrabaho, kaya may puwang pa para sa isang trabaho. Nakahanap si Jennifer ng ilang side job bilang tagalinis ng bahay. May balak nang sana’y makauwi na siya nang permanente noong Enero 2015 kaya puspusan ang kanyang pagtatrabaho at pag-iipon.

Ngunit ilang buwan lang makakaranas si Jennifer ng tahimik na trabaho. Noong Disyembre 2004, tinangkaan siyang halayin ng isang nagpalinis ng bahay na may hawak na patalim. Nanlaban siya. Nahawakan ang patalim. Aksidente niyang napatay ang nagtangkang manghalay.

“Ang tingin ko doon, ibinenta siya,” ani Nanay Alicia. “Hindi ako parang tilapia, hindi ako bayaran,” sinabi diumano ni Jennifer. “Inalok siya ng pera para makipagtalik,” kuwento ni Nanay Alicia.

Sa tatlong taon na pagtatrabaho ni Jennifer, madalang na siyang nakapagpadala ng pera. “Nakapagpadala naman siya sa amin pero dalawang buwan lang,” ani Nanay Alicia. Aniya, hinilingan nila si Jennifer na makapagpadala para makapagpagawa ng bahay.

Pinakamalaki na ang P10,000 sa isang buwan na nakapagpadala si Jennifer, na para lang sa pang-araw-araw na gastusin ng pamilya. “Sa gatas pa lang ng anak niya, mauubos na ang pera na iyon,” sabi pa ni Nanay Alicia.

Sa press conference ng mga tagasuporta at kaanak ni Jennifer. <b>Kontribusyon</b>

Sa press conference ng mga tagasuporta at kaanak ni Jennifer. Kontribusyon

Ayudang kapos

Disyembre 12 nang makatanggap ng tawag sina Nanay Alicia tungkol sa nangyari kay Jennifer. Agad silang nakipag-ugnayan sa Overseas Workers’ Welfare Administration o OWWA sa Koronadal City, ngunit wala pa silang impormasyon sa kaso noong panahong iyon. Hanggang Pebrero 2015, wala silang mahagilap, kahit kay Ebrahim Zailon, officer-in-charge ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa General Santos.

Marso 2015 na nang tinawagan ng DFA sila Nanay Alicia tungkol sa kaso. Mayo na nang personal silang matawagan ni Jennifer. Umaksiyon agad ang Migrante International, kahit pa mabisita nila si Jennifer nang personal. Pero hindi sila pinayagan ng kulungan at kailangan pa raw ng permiso mula sa pamilya.

Hunyo 2015 nang nabigyan si Jennifer ng abogado at nakapag-apela para sa kanyang kaso. Oktubre nang personal na nakadalaw sina Nanay Alicia sa United Arab Emirates o UAE. Doon, binigyan sila ng “confidential” na dokumento at inabisuhang huwag makipagugnayan sa midya maging para sa ayuda mula sa Migrante.

Sa panahong iyon, hanggang sa kabuuan ng 2016, naaantala ang kaso ni Jennifer. Nitong Enero, nakatanggap ng distressed call sina Nanay Alicia mula mismo kay Jennifer na ilalabas na ang hatol sa kanyang apela. “Dapat nitong Pebrero 27 ilalabas ang hatol, pero na-move ito sa March 27,” saad ni Arman Hernando, tagapagsalita ng Migrante International.

Patuloy pa rin naman ang paghingi ng ayuda sa pamahalaan ng pamilyang Dalquez. Nitong Lunes, personal silang lumapit kay Sen. Manny Pacquiao, kapwa galing sa General Santos City.

Binalikan ni Hernando ang ilang probisyon ng Migrant Workers Act. May mga probisyon talaga na nagsasaad ng proteksyion sa mga manggagawa. Ngunit may mga probisyon din tungkol sa deregulasyon ng pagpapadala ng manggagawang Pilipino sa ibang bansa, at dumudulo sa kawalan ng obligasyon ng gobyerno ang agarang tulong sa kanila.

“Ang naging translation niyan ay delayed dumating ang tulong ng gobyerno. Sa mga kasong hawak ng Migrante, nakita natin na nasa appeals stage na saka pa lang nakakkuha ng counsel ang gobyerno natin. Sa panahon ng pag-aaresto, ni abogado o ni translator, wala,” ani Hernando.

Pakikiramay. Kaisa ng magulang ni Jennifer (kanan) ang magulang ni Mary Jane Veloso na nasa death row din sa Indonesia. <b>Kontribusyon</b>

Pakikiramay. Kaisa ng magulang ni Jennifer (kanan) ang magulang ni Mary Jane Veloso na nasa death row din sa Indonesia. Kontribusyon

Pare-pareho lang

Dapat mabatid na matagal nang problema ng mga OFW ang ayuda mula sa gobyerno.

Ilang taon, ilang dekada na rin na namayagpag ang Labor Export Policy, na dahilan kung bakit patuloy ang pangingibang bansa ng mga Pilipino. Dalawampu’t dalawang taon mula nang bitayin si Flor Contemplacion noong Marso 17, 1995. “Makasaysayan kasi ang kaso ni Flor, kasi diyan na-expose ang kawalan ng serbisyo ng gobyerno sa OFWs,” ani Hernando.

Noong panahon rin na iyon, nagkaroon ng deklarasyon ang administrasyon ni Pang. Fidel Ramos na wala nang susunod na Flor Contemplacion. Sa panahong iyon ipinanganak ang Migrant Workers Act, para raw maprotektahan ang nangyari kay Flor.

Ngunit 22 taon makalipas, batid ng Migrante na paparami ang kasong tulad ng kay Flor. Pinakamarami ang anim na binitay sa panahon ni dating pangulong Benigno Aquino III.

At makalipas rin ang 22 taon, maririnig muli kay Pangulong Duterte ang katulad na pangako na ito, na aniya’y “huling henerasyon na ng OFWs sa kanyang termino.” Pero nangyari pa rin ang pagbitay kay Jakatia Pawa.

Mayroon pang 71 kaso ang nakabinbin at nahaharap sa death row, sa bilang ni Hernando at ayon na rin sa DFA.

Mahalaga na malaman ang nangyari kay Jakatia Pawa, isang Tausug, na nahatulan ng bitay sa Kuwait nito lang Enero. “Ang worry, ay may epekto ito sa iba pang pamilya ng mga nasa death row. Nag-cause ito ng panic dahil ganon lang pala kadali na bitayin ang mga kababayan natin ngayon, hindi tulad noon na may notice,” sabi pa ni Hernando.

Bago paniniwalaan si Duterte sa kanyang mga pangako, kailangan muna niyang harapin ang kaso ni Jennifer Dalquez, gayundin ang iba pang kaso ng mga Pinoy na nasa death row. Tulad ng nagdaang mga administrasyon, di pa rin napangangalagaan ng kasalukuyang rehimen ang kaligtasan ng mga manggagawang Pilipino sa labas ng bansa.

Tulad ni Jennifer Dalquez, hiling ng marami pang Pilipinong nagdadala ng yaman sa bansa sa pamamagitan ng kanilang remitans ang agarang ayuda na dapat inilalaan ng pamahalaan sa kanila. Pero sa kahuli-hulihan, ang gusto nila at ng kaanak nila, ay hindi na kailangang mangibang bansa para lang makapaghanapbuhay.


 

WATCH: Celia Veloso appeals for clemency for daughter, as Widodo visits PH

$
0
0

Celia Veloso, the mother of Mary Jane, clarifies her stand on death penalty. She also reiterates appeal for clemency for her daughter, who is still on death row in Indonesia. Celia makes the appeal on the eve of Indonesian Pres. Joko Widodo’s visit to the Philippines ahead of the Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit later this week.



‘Laban o bawi’ sa OFW

$
0
0

Sa umpisa ng taon, lumitaw ang balita ng pagkakalagak ni Jennifer Daquez sa death row sa United Arab Emirates. Nahuli siya at naharap sa kasong pagpatay sa kanyang amo na napatay niya sa pagdedepensa sa sarili. Mukha pa rin siya ng kalbaryong kinakaharap ng mga migrante at manggagawagn Pilipino sa labas ng bansa.

Kahit pa nangako si Pangulong Duterte na hindi na lalabas ng bansa ang mga Pilipino para magtrabaho, aminado rin siyang hindi niya ito maaabot. “Ang dream ko sa Pilipinas… hindi ko na maabot iyan. Pero umpisahan ko iyan.  Sa loob ng 10 taon, hindi na kayo lalabas,” aniya.

Sa simula ng panunungkulan ni Duterte, naghain ang Migrante International ng sampung tinawag nilang “10-point doables” o mga maaaring magawa ng pangulo, para makamit ang kanyang pangarap para sa mga migrante.

Pangunahin dito ang pagpapanagot sa dating mga personahe na may “kriminal na pagpapabaya” sa abang kalagayan ng mga migrante, tulad nina dating Pangulong Aquino at Budget Sec. Florencio Abad, sa alegasyong paggamit ng OFW (Overseas Filipino Workers) Legal Assistance Funds para sa kanilang ilegal at mala-pork barrel na Disbursement Acceleration Program (DAP), gayundin ang iba pang kaso ng “kriminal na pagpapabaya” sa mga OFW, tulad ng kaso ni Mary Jane Veloso.

Kasama pa rito ang independiyenteng auditing ng pondo ng Overseas Workers Welfare Association (OWWA); agarang pag-utos na ibigay ang OWWA claims sa libu-libong mga benepisyaryo ng OWWA na naging biktima ng pagmamaltrato, illegal recruitment, emergency repatriation at iba pang claims; pagtanggal sa puwesto at papanagutin ang lahat ng mga abusadong opisyal ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa ibang bansa, tulad nina Ambassador Ezzedin Tago sa Saudi Arabia at Consul General Roberto Manalo sa Indonesia.

Kasama rin dito ang pagsibak sa puwesto sa mga opisyal na sangkot sa “tanim-bala”, gayundin ang pag-imbestiga sa notoryus na mga recruitment agency at kanilang mga “backer” sa gobyerno, at pagpapanagot sa nasentensyahang mga trafficker, tulad nina Kristina Sergio at Julius Lacanilao, na trafficker ni Mary Jane Veloso, at si Isidro Rodriguez, trafficker ng mahigit 300 gurong Pilipino.

Hiniling din ng grupo na buksan muli ang mga embahada at konsulado na pinasara ng gobyernong Aquino, at buksan ang bagong mga poste sa mga bansang may malalaking populasyon ng mga Pilipino. Hiniling pa nila na tanggalin ang Overseas Employment Contract (OEC), at kanselahin ang P550 terminal fee, ibasura ang POEA Standard Employment Contract for Seamen. Siyempre, hiniling nila ang pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law o Carhihl at mga internasyunal na kumbensiyon at batas na rumerespeto sa karapatan at kagalingan ng mga migrante at pamilya.

Pero pansin ng Migrante na ang tila’y “laba o bawi” ang administrasyong Duterte sa mga hiling na ito. Tinanggal man ang OEC, pero para lang sa mga “new hire.” Sa pag-aaral ng grupo, tinatayang nasa P332 Milyon ang kinikita ng gobyerno kada taon mula sa singiling mula lang sa OEC. Wala ring napanagot sa isyu ng “tanim-bala” kahit pa nabawasan na ang ulat ng ganitong mga raket sa mga paliparan.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang pagmamatyag ng Migrante at mga OFW. Patuloy pa rin ang kanilang adbokasiya laban sa labor export policy. Ayon sa grupo, kailangan na ng mapagpasyang pagtalikod ni Duterte sa apat-na-dekadang patakarang ito na anila’y apat na dekada nang nagpapahirap sa mga Pilipino sa labas ng bansa.

Isa sa iilang magandang balita kaugnay ng mga OFW: nabasura na sa kaso laban kay Jennifer Dalquez. Hindi na kailangan ng pamilya niya na magbayad ng blood money. Bagaman kailangan pa rin niyang makulong nang limang taon, ligtas na siya sa bitay. Tagumpay ang kampanyang “Save Jennifer Dalquez” na pinangunahan ng Migrante at kaanak ni Jennifer.

Bunga ito ng koletibong dasal, aktibong partisipasyon at pangangalampag ng Migrante at ng mga miyembro at migrant advocates. Isang patunay na ang sama-samang pagkilos, magkakaroon ng positibong resulta.

Para kanino ang ‘regalo’ ni Duterte sa Asean

$
0
0

Sino ang tunay na liligaya ngayong Pasko sa ipinagmamalaking kasunduang nabingwit ni Pangulong Duterte sa Association of Southeast Asian Nations (Asean) Summit patungkol sa mga migranteng manggagawa?

Bagamat sa pagturing ni Duterte’y magdudulot ng pagbabago ang kasunduang tinawag na Asean Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers, nagsisimula na itong mangamoy para sa grupo ng mga migranteng manggagawa

Ang kasunduang pinirmahan noong Nobyembre 14, ay bunga ng “ASEAN Declaration of the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers” noong 2007. Sa taong 2018 nakatakdang buuin ang action plan para dito.

“Malabo, walang maayos na proseso ng konsultasyon, at kulang ang impormasyon sa panig ng mga direktang tatamaan ng kasunduan, ang mga migranteng manggagawa mismo,” ayon sa Migrante International, organisasyon ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa buong mundo at kaanak nila.

Bukod sa walang sapat na konsultasyon sa pagitan ng gobyerno at mga migrante, taong 2009 ay nag-ayawan ang ibang bansa sa tatlong pangunahing punto: ang pagkakaroon ng legal na pananagutan ng mga bansa sa kasunduan, proteksiyon ng mga undocumented workers, at pagsali sa pamilya ng mga migranteng manggagawa bilang stakeholder ng probisyon.

Legal na pananagutan

Sa usapin ng legal na pananagutan, mukhang malabo, kung pagbabatayan ang pahayag ni Labor Sec. Silvestre Bello III. Hindi na umano dapat pang busisiin pa kung ito’y “legally, morally, o politically binding.” Ang mahalaga raw, alam ng mga bansa na pumasok sila sa kasunduan at kailangan nila itong tuparin.

Kung mayroon mang legal na proteksiyon ang mga migranteng manggagawa sa mga pinupuntahan nilang bansa, napakaliit nito at napakadaling baliin ng dayuhang mga employer na nagsasamantala para pumabor sa kanila.

Isa ang Singapore sa mga tumutol na magtakda ng legal na pananagutan sa mga bansa sa Asean na papalpak sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga migranteng manggagawa. Ang dahilan ng mga lider ng naturang bansa, maaari itong makasagka sa soberanya ng isang bansa dahil direktang mangingialam ang legal na instrumento nito sa kanilang kasalukuyang mga batas.

“Ang konsepto ng ‘non-interference’ ay paulit-ulit nang nagamit para iwasan ang obligasyon ng Estado sa karapatang pantao… Para lubos na matupad ang proteksiyon sa mga manggagawang migrante, kailangan ng legal na pananagutan ng mga bansa,” pahayag ng Migrante International.

Kritikal ang legal na pananagutan lalo pa’t hindi natapos kay Flor Contemplacion ang kuwento ng mga migranteng namamatay sa ibang bansa, partikular sa Singapore.

Noong 2012, isang 23-anyos na Pilipinang nangangasambahay sa Singapore ang misteryosong namatay sa pagkahulog mula sa tinitirhang condominium ng kanyang employer. Isang linggo pa lang nang magsimulang magtrabaho si Apple Gamale, pero inuwi na itong naka-kahon sa mga kamag-anak sa Davao. Ayon sa pamilya, wala silang natanggap na police report, autopsy, o kahit na anong dokumentong maglilinaw sa totoong nangyari sa kanilang kaanak.

Kung seryoso umano ang Asean sa kanilang layunin, aayusin nito ang mga batas na makakasagka sa probisyon lalo pa’t patuloy ang pagdami ng ganitong mga kaso dahil sa napakarupok na legal na proteksiyon ng mga migranteng manggagawa.

Kasama ang mga miyembro ng Migrante International sa dambuhalang protesta kontra sa Asean Summit noong nakaraang linggo. <b>Boy Bagwis</b>

Kasama ang mga miyembro ng Migrante International sa dambuhalang protesta kontra sa Asean Summit noong nakaraang linggo. Boy Bagwis

Karapatan ng undocumented

Sa tala ng World Bank, higit sa 10 milyong di-dokumentadong migrante ang naka-kalat sa Timog-Silangang Asya. Pagtakas dahil sa pagmamalupit ng employer at hindi pagbibigay ng tamang sahod at araw ng pahinga ang pangunahing dahilan ng pagiging di-dokumentado ng mga migrante sa rehiyon.

Pero para sa Malaysia, security threat ang mga di-dokumentadong manggagawa sa kanilang bansa kaya tutol sila sa pagpapaloob ng mga ito sa proteksiyong maaaring ibigay ng kasunduan.

“Ang mga di-dokumentadong migranteng manggagawa ay hindi lang mga taong nakapasok sa bansa sa ilegal na paraan. Mas marami ang mga hindi nakapag-renew ng work permit, umaalis sa mapang-abusong employer, o di-kaya’y pinalayas bigla ng employer,” paglilinaw ng Migrante International.

Ito umano ang dahilan kung bakit hindi makataong ituring na panganib sa seguridad ang mga migranteng manggagawang bagamat di-dokumentado ay produktibo’t pinakikinabangan ng kanilang ekonomiya.

Sakripisyo ng pamilya

Puwersahang nagsasakripisyo ang pamilyang naiiwan ng mga migranteng lumalabas ng bansa dahil wala namang oportunidad dito para sa kanilang mga mahal sa buhay. Dahil mas marami ang migranteng manggagawang Pilipino ang kababaihan kaysa kalalakihan, kalakhan sa mga apektadong pamilya’y walang nanay.

Maraming negatibong implikasyon ang pagkawalay ng mga anak sa kanilang mga magulang. Ayon sa tala ng Migrante International, seksuwal at pisikal na pang-aabuso at emosyonal na problema ang ilan sa mga kinakaharap ng mga anak ng migranteng manggagawang naiiwan sa pinagmulang bansa.

“Kababaihan ang tipikal na nangangalaga sa pamilya kaya marapat lang na magkaroon ang migranteng kababaihan ng mas maayos na pagtrato bilang mga manggagawa,” ayon sa grupo. Sobra-sobra ang hidden charges na kalakip ng pag-alis ng mga magulang sa bansa para magtrabaho sa dayuhang lupain na binabayaran di-lamang ng mga umalis kundi pati na rin ng mga naiwanan.

Ngayong natuloy na matapos ang isang dekada ng paghihintay ang pirmahan sa nabuong kasunduan, makakaasa kaya ang mga mamamayang migrante ng Asean na mapepreserba sa esensiya man o implementasyon ang kanilang mga panawagan?

Labas sa mga kasunduang itinutulak ng gobyerno para proteksiyunan ang kanilang mga mamamayan laban sa pang-aabuso, dapat pagtuunan nito ng pansin ang lokal na kalagayan ng sektor ng paggawa. Mula sa sektor na ito ang kadalasang napipilitan na umalis ng bansa dahil walang mahanap na trabaho, at kung mayroon ma’y napakababa ng sahod at napakapangit ng kondisyon sa lugar ng pinagtatrabahuhan.

Ang bilyun-bilyong ginastos ng taumbayan para sa Asean Summit na ginanap sa bansa’y walang katuturan kung gagamitin lang sa pagsusulong ng interes ng iilan at ng mga imperyalistang bansa tulad ng US at China ang mga kasunduang binubuo sa pagtitipong ito.

Pangkaraniwan, malungkot at nakakagalit na kuwento ni Mary Jean Alberto

$
0
0

Tipikal ang eksenang ganito para sa mga overseas Filipino worker (OFW): Nagtatrabaho sa ibang bansa, na umaasang mabibigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya. Pero imbes na kaalwan sa buhay, trahedya ang sinasapit niya.

Katulad nito ang pangingibang-bayan ni Mary Jean Balag-ey Alberto. Mainit niyang niyakap ang kanyang mga anak na sina Rojan at Ronel, at umalis siya tungong Abu Dhabi, United Arab Emirates (UAE) noong Hulyo 17 ngayong taon. Namasukan siya bilang isang kasambahay, na may hawak lang siyang tourist visa.

Pero tatlong buwan lang ang kanyang itatagal.

Namatay si Mary Jean, 44, sa pagkahulog nito mula sa ika-13 palapag ng Shams Meera Tower Al Reem sa UAE, nito lang Oktubre 2. Mismong ang kanyang mga amo ang nagsabi ng malungkot na balita. Pero duda ang mga kaanak niya sa tunay na sinapit ni Mary Jean.

Mary Jean Alberto

Mary Jean Alberto

Mga huling mensahe

Sabi ng mga “amo” ni Mary Jean, sadya siyang nagpatihulog. Bakit? Tila walang malinaw na dahilan. Kung kaya, suspetsa ng mga awtoridad ng Abu Dhabi na may nagtulak sa kanya para mahulog sa bilding.

May dahilan kung bakit duda ang mga kaanak. Bago ang araw na natagpuang wala nang buhay si Mary Jean, may mga text message siya sa ate niyang si Marie Balag-ey na nasa Abu Dhabi rin. Nagmamakaawa na siya noon. Hindi umano maganda ang trato sa kanya ng kanyang amo. Hindi siya pinapakain. Hindi rin daw natatapos ang oras ng trabaho.

Ayon sa huling mensahe ng biktima sa kanyang kapatid, na mahigit 24 oras na bago siyang natagpuang patay, may banta sa kanyang buhay.

“Pinagbibintangan na niya ako (na may relasyon) kay Hamood,” isa sa huling mga mensahe ni Mary Jean sa kanyang kapatid, patungkol sa asawa ng kanyang amo. Mas gusto pa raw niyang makulong kaysa magpatuloy ang kanyang nararanasan.

Nakadagdag ito sa mga awtoridad na maaaring may totoong banta sa buhay ni Mary Jean. Pero iniisip nilang dahilan ang takot, kaya sinubukan tumakas pero nahulog siya.

‘’Noong Oktubre 4 lang kami nakatanggap ng balita na kumakalat sa Facebook na may namatay na isang kababayan at ang tinutukoy ay si Mary Jean Balag-ey Alberto,” ani Windel Farag-ey Bolinget, pinsan ni Mary Jean.

Si Windel ay kasalukuyan ring tagapangulo ng organisasyong masa sa Kordilyera na Cordillera Peoples Alliance o CPA.

Pinabulaanan ni Windel ang mga pahayag ng amo ni Mary Jean, na tumangging sila ang dahilan ng pagpapakamatay ng kanilang kasambahay. “Taliwas sa sinasabi ng among pumatay sa kanya, hindi siya nagpakamatay at walang dahilan na siya ay magpakamatay,” sabi ni Windel.

“Galit na galit ako at gusto kong mabigyan ng hustisya ang pinsan ko na pinatay at inihulog mula 13th floor ng tirahan ng among Moroccan. Gusto kong mabitay at maparusahan ang demonyong amo nya,” sabi pa niya.

Hindi iba sa maraming OFW

Malungkot ang pagbabalik-tanaw ni Windel sa naging buhay ng kanyang pinsan. “Pumunta siya sa Abu Dhabi sa layuning magtrabaho para mapag-aral ang mga anak at iahon mula kahirapan ang pamilya.”

Tulad ng maraming overseas Filipino workers (OFW), ang desisyon ni Mary Jean na umalis tungong UAE ay bunga ng pangangailangang pinansiyal. Gipit na kalagayan ang nagtutulak sa kanila dahil sa mas malaking sahod na maibibigay sa kanila sa ibang bansa, hindi tulad ng karaniwang trabahong makukuha niya sa Pilipinas.

Kaya walang pagtutol si Windel sa desisyon ng kanyang pinsan na mangibang-bansa. “Lalo at iniwan at may ibang pamilya ang asawa, kaya siya lang talaga ang bumabalikat sa responsabilidad bilang magulang sa tatlong anak lalo na sa dalawa na kasalukuyang nag-aaral,” salaysay niya. “Ang nangyari sa pinsan kong si Mary Jean ay malinaw na nagpapakita sa malalim na problema sa ating bansa— ang kawalan ng nakakabuhay na hanapbuhay.”

Bilang aktibista, naiuugnay ni Windel ang penomenon ng pangingibang-bansa sa malalim na mga suliranin ng bansa.

“Mayaman sa likas na yaman ang bansa pero naghihirap ang sambayanan dahil kontrolado ng iilan na naghaharing uri at among mga dayuhan ang yaman ng bansa,” ani Windel. “Kaya imbes na ipatupad ang matagal nating pinaglalaban na pambansang industriyalisasyon para lumikha ng trabaho, ay labor export policy ang patakaran ng gobyerno. Imbes na tunay na reporma sa lupa ay dayuhang pangangamkam kaya lalong naitataboy ang maraming mahihirap lalo sa kasalukuyang rehimeng Duterte.”

“Masaklap pa, hindi kayang ipagtanggol ng gobyerno ang OFWs sa ibang bansa sa mga pang-aabuso, pagmamaltrato at pagpatay sa kanila ng mga abusado at demonyong mga amo tulad ng ginawa kay Mary Jean.”

Pagluluksa ng mga kaanak ni Mary Jean sa araw ng paglibing sa kanyang mga labi. <b>Kontribusyon</b>

Pagluluksa ng mga kaanak ni Mary Jean sa araw ng paglibing sa kanyang mga labi. Kontribusyon

Ayuda’t panawagan

Sa loob ng 11 araw mula nang mamatay si Mary Jane, iniuulat ng anak niyang si Rohjean sa embahada ng Pilipinas. Pero hindi ito tumulong. “Hanggang sa kinalampag at nailantad sa midya ng pamilya sa tulong ng Migrante International,” sabi ni Bolinget. Dugtong niya na napakahalaga ang 11 araw na iyon, dahil ito sana ang panahon para maseguro sana ang mga ebidensiya sa kaso.

Isa ang Migrante International, organisasyon na nagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa, sa mga umayuda sa pamilya ni Mary Jean.

Paniwala ng grupo, naglinis na ng mga ebidensiya ang employer sa 11 araw na panahon na ito. Mahalaga sana ang panahon na ito upang makakalap ng mga sagot sa dahilan ng pagkamatay ni Mary Jane.

Sa dinami-dami umano ng mga kaso ng misteryosong pagkamatay ng mga OFW, kadalasa’y kapos o hindi talaga nakakatulong ang mga embahada at konsulado ng gobyerno ng Pilipinas para maresolba ang mga kasong ito. Walang presyur sa gobyerno ng host country, walang ayuda sa mga kaanak. Kung hindi pa kakalampagin.

Sina Rojan, Ronel at ang may sakit na nanay ni Mary Jean na si Nanay Flordeliza ang tumanggap ng katawan ni Mary Jean. Sa kanilang pagluluksa, panawagan nila at lahat ng kaanak ni Mary Jean ang hustisya.

Protesta ng Migrante Philippines sa harap ng Department of Foreign Affairs para igiit sa departamento ang pagtutulak ng hustisya para kay Mary Jean. <b>Kontribusyon</b>

Protesta ng Migrante Philippines sa harap ng Department of Foreign Affairs para igiit sa departamento ang pagtutulak ng hustisya para kay Mary Jean. Kontribusyon

Nananawagan

“Dapat tiyakin na magkaroon ng hustisya (kay Mary Jean),” ang paniwala ni Windel.

Hindi rin niya pinalagpas ang embahada ng Pilipinas sa Abu Dhabi. Ayon kay Windel, mahalaga rin na maimbestigahan at mapanagot ang mga opisyal ng embahada na hinayaan at hindi nakisangkot sa loob ng 11 araw nang iulat ng anak na si Rohjean sa embahada ang pagpatay sa kanyang nanay.

Samantala, nananawagan din siya ng kagyat na tulong sa mga anak ni Mary Jean. “Dapat bigyan ng scholarship sa pag-aaral ang nauling magkapatid na Ronel at Rojan hanggang makatapos sila. Dapat bigyan din sila ng livelihood dahil wala na silang ikabubuhay dahil pinatay ang nanay nila,” ani Windel.

Sa tala ng Migrante, walo sa 10 pamilyang Pilipino ay may kaanak sa ibang bansa.

Sa kasalukuyan, isa sa pinakamalaking bahagi ng gross domestic product ng ekonomiya ng bansa ang mga remitans ng OFWs – na nangibang bansa man sa opisyal o di-opisyal (o di-dokumentadong) paraan. Kung kaya paninindigan ng Migrante na dapat binibigyan talaga ng atensiyon ng gobyerno ang mga OFW, lalo na ang tinatawag na distressed OFWs. Sa mga kaso ng mysterious deaths, dapat nasa unahan ang gobyerno sa paghihiling ng hustisya para sa mga kababayan.

“Obligasyon ng gobyerno na mabigyan ang lahat ng OFWs ng sapat na serbisyo. Tungkulin nila na mapangalagaan at mapaglingkuran sila habang nasa abroad,” sabi ni Arman Hernando, tagapangulo ng Migrante Pilipinas.

Pero ang panawagan talaga ng Migrante, talikuran na ng gobyerno ang di-deklarado pero totoong polisiya ng pag-eeksport sa lakas-paggawa ng mga Pilipino (labor export policy) na panakip-butas sa kakulangan ng trabaho sa Pilipinas.

“Sa huli, dapat itinataguyod ng gobyerno ang paglilikha ng trabaho na may regular at nakabubuhay na sahod sa ating bansa upang ang lahat ng katulad ni Mary Jean ay hindi na mapilitang magtrabaho pa sa ibayong dagat,” ani Arman. “Kung maipaglalaban at makakamit natin ang lahat ng mga ito, magagawaran ng hustisya ang pagkamatay ni Mary Jean at lahat ng Pilipinong nagdurusa sa labas ng ating bansa.”

Nagsasalita para sa buong pamilya si Windel sa hustisya, hindi lang para sa kanyang pinsan, kundi kasama na rin ang maraming OFW.

“Hustisya sa iba pang OFWs na nabiktima. Isulong ang tunay na panlipunang pagbabago para mahinto ang sapilitang pagluwas sa ibang bansa sa harap ng mga banta sa buhay at pag-iwan/paghiwalay sa mga mahal sa buhay. Sana ay mayroon nang maayos na hustisyang panlipunan sa ating bansa,” pagtatapos ni Windel.

Bayaning gutom, istranded at inabandona

$
0
0

Bagong Bayani kung tawagin ng gobyerno ang overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa ambag nila sa pagsalba ng pambansang ekonomiya. Pero ngayong sila ang nangangailangang isalba, bakit tila walang mai-ambag ang gobyerno para isalba sila?

Karima-rimarim ang kinakaharap ngayon ng mga Pilipinong nasa frontlines ng paglaban sa pandemya sa ibayong dagat. Sa huling tala ng Department of Foreign Affairs, umabot na sa 189 OFW ang namatay habang 1,604 naman ang nagpositibo sa coronavirus disease-2019 (Covid-19).

Masaklaw pa ang sa epekto ng pandemya sa katayuang pang-ekonomiya ng mga migranteng Pilipino. Sa iba’t ibang bansa, marami sa mga OFW ang natanggal sa trabaho, kinakaltasan o hindi nakakasahod, puwersahang pinapag-unpaid leave at ipinasok sa iskemang “no work, no pay”.

Sa taya ng Migrante International, nasa 420,000 OFWs ang inaasahang mapipilitang uuwi ng Pilipinas dahil sa Covid-19 sa mga bansang pinagtatrabahuhan.

Pero sa ikalimang lingguhang ulat ni Pangulong Duterte sa Kongreso noong Abril 27, lumalabas na 15.10 porsiyento pa lang, o katumbas ng 20,500 mula sa target nitong 135,720 OFWs na nawalan ng trabaho, ang nabigyan ng tig-$200 (Php10,000) na pinansiyal na ayuda sa ilalim ng programang Covid-19 Adjustment Measures Program-Abot-Kamay and Pagtulong (CAMP-AKAP).

Ayon pa sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa 233,015 OFWs na nag-aplay para sa CAMP-AKAP, umabot sa 49,040 pa lang ang naaprubahan. Kulang daw kasi ang P1.5 Bilyong pondo para sa nasabing programa.

Sa isang panayam sa midya, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Cacdac na buo pa rin ang mahigit Php 20-B pondo ng ahensiya. Pero ang pinagtatakhan ng OFWs, bakit hindi nila mapakinabangan ang pondong kinolekta sa kanila at nakalaan talagang gamitin kapag nangailangan sila?

Mga istranded na OFWs sa ilang dormitoryo sa Quiapo. <b>Neil Ambion</b>

Mga istranded na OFWs sa ilang dormitoryo sa Quiapo. Neil Ambion

Istranded

Dobleng dagok naman ang nararanasan ng OFWs na istranded sa National Capital Region mula nang ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

Bukod pa kasi sa libu-libo nang narepatriate na OFWs mula sa iba’t ibang bansa na istranded ngayon sa quarantine facilities, mahigit 30,000 pang istranded sa Kamaynilaan na seafarers at land-based OFWs na nagsasanay o nag-aayos pa lang ng papeles at mga kontrata nang abutan ng ECQ.

Daing nila, hindi na nga sila makapagtrabaho, wala pa silang natatanggap na tulong mula sa gobyerno.

Hindi kasi kasama sa prayoridad na bigyang ayuda ang mga gaya nilang hindi pa nakakaalis o paalis pa lang. Dahil mga OFWs, hindi rin isinasama ang pamilya nila sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kuwento ng seaman na si Jevy Garsilva, isa sa libu-libong nag-aplay para sa AKAP, naka-ilang balik na sila sa OWWA para humingi ng tulong. Nilalakad lang nila mula sa boarding house sa Maynila papunta sa tanggapan ng ahensiya sa Pasay pero ipinapasa lang sila sa Maritime Industry Authority (Marina) na ipapasa lang din sila sa kani-kanilang manning agency.

“Pagpunta namin sa OWWA ituturo kami sa Marina tapos sasabihing hindi mandatory (ang pagbigay ng tulong), kasi wala pang badyet. Nasaan ’yung pondo namin? Ang tulong kailangan namin ngayon, hindi pagkatapos pa ng lockdown,” ani Jevy.

Lampas isang buwan nang stranded si Jevy sa Maynila. Kakatapos niya lang magsanay dito at pasampa na sana ng barko nang abutan ng lockdown. Dahil hindi nakaalis, problema niya ngayon kung saan kukuha ng panggastos sa araw-araw at ang ipapadala sa pamilya sa probinsiya na hindi rin makapaghanap-buhay dahil sa ECQ. Ang naipon niya kasi, naubos na sa training at pagaayos ng mga papeles.

“Buti yung mga nakaalis, kahit papaano may maiuuwi pa. Eh, paano naman kaming mga istranded? Dapat bigyan din kaming prayoridad,” giit ni Jevy.

Akomodasyon

Kuha ni <b>Neil Ambion</b>

Kuha ni Neil Ambion

Karamihan sa mga istranded na OFWs nagtitiis sa napakamahal at mapagsamantalang akomodasyon sa mga boarding house at dormitoryo malapit sa tanggapan ng kani-kanilang kompanya o agency.

Ang caregiver na si Glenda Matias, kakauwi lang ng Pilipinas noong Enero at pabalik na sana sa Cyprus nang makansela ang flight niya noong March 17 dahil sa ipinatutupad ding lockdown doon.

Noong plastado pa ang pag-alis, sagot ng ahensiya ang pagtuloy niya sa isang hotel. Pero nang maudlot ang biyahe, inilagak na siya sa isang boarding house na aniya’y hindi makatao ang pagtrato sa mga nangungupahan.

“Napakahirap ng kalagayan namin. Mga professional kami pero hindi makatao ang trato sa amin. Para kaming nakakulong. Hindi namin alam ang nangyayari, malayo kami sa pamilya. Hindi na nga kami isinasama sa listahan ng dapat bigyan ng barangay madalas pa kaming pagsalitaan ng masama,” daing ni Glenda.

Gustuhin man ni Glenda, hindi naman niya magawang bumalik na lang muna sa pamilya sa Bicol dahil sa mga restriksiyon ng ECQ.

Sa dami ng mga istranded na OFWs sa mga boarding house at dormitoryo, karaniwan nang siksikan at mahirap magawa ang pisikal na pagdistansiya. Hindi rin sila kasali sa prayoridad sa mass testing kaya may mga nangangamba rin na baka nagkakahawahan na sila.

Kahit mainit at hindi kumportable ang kondisyon sa loob, hindi naman nila magawang makalabas dahil hindi sila lahat mabigyan ng mga quarantine pass.

Dahil pansamantala lang na nangungupahan, hindi rin sila naisasama sa nabibigyan ng ayuda ng lokal na mga pamahalaan. Kaya karamihan ay nakaasa na lang sa padala ng mga kamag-anak sa probinsiya para sa pambayad-upa at mga pangaraw-araw nilang gastusin.

Kahit mga lokal na pamahalaan namumrublema na rin kung saan kukuha ng itutulong sa istranded na OFWs sa kanilang nasaasakupan.

Ang Kapitana, halimbawa, ng isang barangay sa Quiapo na nakakasakop sa Pagoda Seaman’s Dorm, na may 170 istranded na seafarers, at Guzman Dorm, na may 300 istranded na seafarers, personal nang nanawagan sa social media ng tulong para sa nangungupahang OFWs.

Kulang na kulang na aniya ang kanilang rekurso kahit para sa mga mismong residente ng kanilang barangay.

“Sa totoo lang, kami sa barangay, hindi na alam saan kukuha ng ipapakain sa mga tao. Umaasa na lang kami na may tumugon sa panawagan namin sa social media para matulungan sila kasi kawawa naman hindi mga makauwi,” ani Kapitana.

Hiling ng mga istranded na seafarers ng Pagoda sa gobyerno na sana matulungan silang makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya. Gusto rin sana nilang mapasama sa mga prayoridad sa mass testing para tiyakin na kung uuwi man sila sa kanilang mga pamilya ay ligtas at hindi sila magdadala ng sakit na Covid-19.

Reklamo pa nila, “pagkoleksyon ambilis ng OWWA pero pagtulong nga-nga!”

Istranded na OFW, naiyak nang ikuwento niya ang paghihirap ngayong panahon ng lockdown. <b>Neil Ambion</b>

Istranded na OFW, naiyak nang ikuwento niya ang paghihirap ngayong panahon ng lockdown. Neil Ambion

Online petition

Samantala, inilunsad naman ng Migrante ang isang online petition para ipanawagan sa administrasyong Duterte na ilabas na ang tulong pinansiyal para sa lahat ng OFWs na nangangailangan at apektado ng Covid-19 pandemic.

Sa nasabing petisyon, sinabi ng Migrante na “Gutom na po ang mga OFWs at kanilang mga pamilya sa Pilipinas.”

Kabilang sa mga panawagan nila ang pagbibigay ng tulong pinansiyal sa lahat ng OFWs at kababayan na nangangailangan at apektado ng Covid-19 saan man naroon. Hiling din nila ang agarang paglabas at pamamahagi ng pondo para sa tulong pinansiyal na dapat gawing abot-kamay, ligtas, at mabilis ang pagpoproseso at pamamahagi.

Nanawagan din ang Migrante na protektahan ang frontliners sa pamamagitan ng pagpapabuti ng pampubikong mga ospital, agarang tulong pinansiyal o relief para sa mga mamamayan, lalo na sa mahihirap at pagalang sa mga karapatang pantao.

“Sa loob ng maraming dekada, ang remitans ng mga OFW ang nagsilbing salbabida ng ekonomiya ng bansa. Dahil sa pandemyang Covid-19, nasa sitwasyon tayo na ang mga OFW naman ang nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno,” sabi ng Migrante sa petisyon.

Dapat anilang “kagyat na tugunan ng gobyerno ng Pilipinas ang responsabilidad nito sa mga mamamayan sa loob at labas ng bansa.”

#DamayangMigrante

Habang matigas ang pagkatikom ng palad ng gobyerno sa pagbigay ng ayuda sa mga itinuturing na bagong bayani, nagsama-sama naman ang kapwa OFWs, mga samahan ng migranteng manggagawa, simbahan, non-government organizations at mga personalidad para damayan ang mga kababayan nating OFWs.

Pinangunahan ng Migrante at Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (CURE Covid) ang paglulunsad ng “#DamayangMigrante”, isang relief mission para sa istranded na OFWs sa NCR. Layunin nitong makapaghatid ng kaunting tulong para maibsan ang hirap na dinaranas ng mga OFWs bunga ng pandemiya ng Covid-19 at kapabayaan ng gobyerno.

Bahagi rin ng programa ng #DamayangMigrante ang pangangalap ng suportang materyal at lohistikal para matulungan ang istranded na OFWs na makauwi sa kanilang probinsiya o mahanapan sila ng mas maayos at kumportableng matutuluyan sa panahon ng lockdown.

Nanuna nang nakapaghatid ng paunang ayuda sa pamamagitan ng mga lutong pagkain at face masks sa mahigit 250 istranded na OFWs sa tatlong akomodasyon sa Maynila. Kasama sa mga naghatid ng tulong sa unang larga ng #DamayangMigrante ang aktres na si Sue Prado.

Samantala, tuluy-tuloy naman ang pangangalap at repacking ng relief goods na mga pagkain at hygene kits ng United Methodist Church na nakatakdang ipamahagi sa mga pamilya ng mga OFW sa Caloocan at Quezon City.

Sa huli, nanawagan naman ang Migrante sa kapwa OFWs at sa sambayanang Pilipino na huwag tumigil sa “paglalabas ng ating mga hinaing” at “huwag mapagod sa pagbatikos sa mga hindi makatarungang patakaran.”

Ayon pa sa Migrante, “Tanging ang sama-sama nating pagtindig at pagkilos ang magdudulot ng kaligtasan sa krisis ng Covid-19.”

Viewing all 92 articles
Browse latest View live